Ang Power Hug ng May 8, 2008

Siguro akala mo nakalimutan ko na yon, ano? Kasi nga naman limang taon na din ang nakalipas mula noon. Bakit ko nga naman aalalahanin pa iyon?

Pero naaalala ko pa yon. Isa nga yon sa mga pangunahing naiisip ko tuwing naiisip ko nang bumitaw na o di kaya ay tuluyan nang pagsawalang bahala na ang lahat. Naiisip ko yon sa mga oras na gusto ko nalang sumuko dahil tila di ko na kakayanin ang mga pagsubok na hinaharap ko.

Ang arte ko, ‘no? Naaalala ko nga, ang lupet din ng pag iinarte ko nung madaling araw na yon ng ika-8 ng Mayo 2008. Pero, salamat, dahil nung mga oras na yon, hindi mo inisip na nagiinarte ako. Kasi nga naman, nung mga panahong yon, totoo namang may suliranin ako.

Siguro dala na din ng pagod at lubhang pagkatakot ko na mabigo at pumalpak sa inatas sa aking proyekto kaya ako nagmukmok ng mga panahon na iyon. Dapat maliligo lang ako at kukuha ng gamit tapos sisibat na. Pero napaupo na lang talaga ako sa silya sa tabi ng kama mo at nagsimula na ng drama.

Isipin mo yon, ginising pa kita, eh alas-tres na ng umaga yon. Pero buti at bumangon ka at sinabi mo lang,

“O, bakit, anak?”

Siyempre di ko na inisip na binulahaw kita. Yun talaga plano ko non, gisingin ka. Tapos nagsumbong na ako sayo non. Nagsumbong, nagreklamo at nagsabi na ng lahat ng takot ko. Siguro kung wala na akong natirang dignidad magsusumamo na ako sayo na payagan akong sumuko.

“Di pa handa ang mga materyales--“

 “Paano kung pumalpak ako?--“

“Paano kung magalit sa akin si Sir?--

“Paano kung mabigo ako, masira ko ang pangalan ni lolo at ipatawag ako sa opisina?--“

Paano kung…Paano kung…Puro na lamang paano kung. Kung siguro magaling na ako sa iyakan nung mga panahon na yon, umiyak na siguro ako. Pero tumingin lang ako sayo at naghintay ng sasabihin mo.

Tapos ayon na, ang power hug ng May 8, 2008. Sabay himas sa likod ko. Tamang pampatahan lang. Malamang alam mong kahit walang luhang pumapatak, umiiyak na ako sa loob.

“Gusto mo bang sumuko?”

Nagulat ako sa tanong mo. Kasi gusto ko sana sabihin mo na lang na sumuko ako. Sasangayunan na lang sana kita. Pero dahil tinanong mo pa ako, biglang umiral na naman kahit papaano ang lakas ng loob.

“Hinde. Ayoko namang iwan sila sa ere. Naniniwala sila sa akin. May mga tao akong nakasalalay sa akin. May mga amo akong nagtitiwala sa kakayanan ko. Pero…di ko alam kung anong gagawin ko. Di ko alam kung paano ko maitatawid ito. Di ko alam kung san ako pupulutin bukas.”

Pesteng responsibilidad! Bakit ba ako pumayag maging pinuno para sa proyektong yon? Kung wala lang umaasa sa akin, di na talaga ako papasok. Magbibitiw ako sa trabaho ora mismo non. ‘Tragis naman!

“Yun naman pala, anak, eh. Pero ganyan talaga. May mga pagsubok talaga minsan eh. Minsan talaga kailangan nating dumaan sa mga hirap. Kami ng tatay mo, dumaan na sa hirap. Sila lolo at lola mo lalung-lalo na. Pero maayos naman ang kinahantungan.”

“Ganyan din para sayo ngayon. Binigay sayo yan eh. Magtiwala ka lang. Magtiwala ka sa sarili mo. Magtiwala ka sa Diyos. Ibigay mo lang ang abot ng iyong makakaya. Kung wala talaga, wala talaga. Pero malulusutan mo din yan. Susuportahan ka namin. Kaya mo yan.”

Ayun na. Naibigay na ang suporta. Ayoko pa din sana umalis para bumalik sa opisina. Eh sinabi mo kaya ko eh. Paano pa naman ako susuko non. Di mo na nga ako pinahintulutan, nagawa mo pang ako mismo ang magsabi na ayokong sumuko.

Nagbigay ka ng isa pang power hug—mas mahigpit. Pagkatapos nagpaalam na ako sayo, lumabas na ako ng bahay at nagsimulang maglakad papunta sa sakayan ng dyip.

Habang naglalakad patawid ng tulay ng Guadalupe di ko pa din mawari kung paano ko lulusutan at maitatawid ang 338th Kapitbayan. Kulang na lang tumalon na ako sa ilog Pasig nang matapos na ang kahibangan ko non.

Pero sabi mo kaya ko. Sabi mo susuportahan mo ako. At wala akong balak magpatiwakal. Hihintayin pa kitang gumaling. May usapan pa tayong pupunta tayo ng Bohol. Pagmamasdan ko pang humaba ulit ang buhok mo.

“Lord kayo na ang bahala.”

Yun na lang nasabi ko sabay hingang malalim habang pasakay ng dyip.

Siyempre alam mong nalusutan ko yang pagsubok na yon. Matapos ang apat na araw, masaya naman ang higit sa 200 na bisita. Masaya si Sir. Masaya si Lolo. Aprub na.

Salamat naman.

Salamat sa lahat ng tumulong. Salamat sa Diyos. Salamat sa Diyos dahil sa power hug mo.

Sinagip ako ng power hug ng May 8, 2008 nang harapin ko ang isa sa mga pinakamahirap na pagsubok sa buhay ko. Madrama pero totoo.

Sayang nga lang. Ngayon kasi, pag may suliranin ako, wala nang power hug. Buti na lang nakakahugot pa din naman ako ng lakas ng loob. Nakakadiretso pa din naman ako kay Lord. Nakakasuya lang dahil wala ka na para magdasal din para sa akin. Malakas ka pa naman kay Lord.

Pero yun nga, wala nang power hug.

Pero mula nung umuwi ka na sa langit hanggang ngayon, madami pa din naman akong pagsubok na dinaanan. Yung iba nga di ko din malaman hanggang ngayon kung paano ko nalusutan. Madami kasi don nakakawala na ng bait para lamang maisipan ng solusyon.

Pero alam mo, ngayong iniisip ko, baka naman nung mga oras na naiisip ko na naman sumuko, siguro bumaba ka saglit ng langit para bigyan ako ng power hug mo.  Kakaiba ka na nga lang mag power hug non.

Salamat, ha? Iba ka talaga. Kaya naman mahal kita.


Apat na taon na, Nans. Miss na kita. Pa-power hug ka naman.

Comments

Popular posts from this blog

I'm half gay. That makes me 1/4 female.

Adventure update

Inanities