Ang ika-lima

Ito na ang ika-lima.

Matagal ko nang pinaghandaan ito. Alam mo yan.

Nung unang taon pa lang sinabi ko na bigyan lang ako ng limang taon at matatapos ko din ang proseso ng acceptance. 

Ika-lima na. 

Partida na, tanggap ko naman na. Pero siyempre hindi maiiwasan--at sa totoo lang naman, di ko din naman talaga kaya--na hindi ka maalala at mamiss. Eh ilang pulutong ng tao nga ang hindi magawa yon eh, tapos ako pa?! Naman!

Si Tita Rose na lang ang isang halimbawa. Nung nagkita kami nung isang araw, binabanggit lang niya na mae-enjoy mo sana yung Jungian conference na inattendan niya eh napaluha na siya.

Paggising ko kaninang umaga, akala ko planado at plantsado ko na ang araw na ito. Pupunta ako ng opisina. Magpapanggap akong magtatrabaho. Pupunta ako ng vet at gagawin ang iba pang mga errands. Uuwi at saka uupo sa tapat ng computer para gawin ang taunang pag-alala sayo.

Kaso nasira ang schedule ko.

Nung umaga, pagcheck ko sa FB, ang bumungad sa akin ay ang post ni Tita Bernie na naka-tag ako. Inaalala ka din. BFF mo na lang talaga.

Pagkatapos nakita ko naman yung kay Mama Lulu. Isang post na humihingi ng dasal para sa ika-lima mo. Better half mo na lang talaga.

Tapos, nag-text si Tatay. Nagpapabili ng bulaklak para sayo. Paborito mo kasi flowers eh, di ba? Ex-boyfriend mo na lang talaga.

Kaya ako, ayan sasali na ako sa bandwagon. Pupunta pa din ako ng opisina para magpanggap na magtatrabaho. Pero sa katunayan, aagahan ko na ang yearly assignment ko.


Limang taon na, Nans. Akala ko, dahil ika-lima na, di na ako malulungkot. Pero nung 
nirereview ko yung mga dating sinulat ko para sayo, lalo na yung sinulat ko nung ikalawa mo, eh di ko pa ding maiwasang mapaluha. Buti na lang walang taong malapit na pwede makakita. Alam mo naman, ako ay parang ikaw lang--mapagpanggap na hindi iyakin.

Alam mo, iba ka talaga. Lakas ng impact--limang taon na nayayanig pa din ang mga tao. Kasama na ako. Lupet mo kasi magmahal.

Dati ko pang sinasabi na magawa ko lang ang kalahati ng ginawa mong pagmamahal, quota na siguro ako sa good karma. Magkakaron na ako ng free pass sa langit.

Pero siyempre, ang bagong goal ay malampasan ka habang pinagpapatuloy ang legacy mo. Ang target ay makapagmahal ng mas higit pa sa ginawa mo dati. Gumaganyan na kasi tayo ngayon.

Ang dasal ko lang naman, sana pag napapasilip ka sa lupa at nakikita mo ako ay happy ka.

Sa tingin ko naman marami naman na din akong nagawa na ikasasaya mo. Gusto mo ng sampol? Bigyan kita.

Una, natupad ko naman na ang huling hiling mo sa akin. Kahit nadelay ng isang taon ang paggawa ko non dati.

Pangalawa, pinagpapatuloy ko ang adhikain mong paglingkuran ang kapwa. At nahanap ko na ang karerang nakapagbibigay sa akin ng paraan upang gawin ito. Ngayon pa nga ay kumukuha tayo ng mga kasapi sa pagbibigay lingkod sa tao.

Pangatlo, maayos naman ang buhay. Masaya. Swabe lang. Pag may pagsubok nilalampasan. Pag may oportunidad upang maging mas mabuting nilalang, kinukuha.

Siyempre, alam ko na nagagawa ko ang mga ito dahil anak ako ng nanay ko--ikaw yon. Alam kong ginabayan mo ako upang maabot ang puntong ito.

Ika-lima mo na, Nans. Sinabi ko na matapos ng ika-lima mo, bawal na ako magdrama, magreklamo at maginarte sa buhay. Magiging awesome na lang ako lagi. Pero kung sakaling makakalimot ako, pitikin mo na lang ilong ko.

Limang taon na simula nung hinatid kita. Siyempre miss pa din kita. 

Mahal kita, Nans.

Maligayang ika-limang taon ng iyong paguwi! 








Comments

Popular posts from this blog

I'm half gay. That makes me 1/4 female.

Adventure update

Inanities